Isa kang tunay na mandirigma kung nalagpasan mo ito. | Image Source: mrt3.com

Usapang Commute

November 25,2015

Kung mayroong isang bagay na gusto ko sa aking trabaho, ayon ay ang matagal na biyahe. Sa totoo lang, hati ang aking damdamin tungkol dito. Una, dahil humigit-kumulang 4 oras ang aking biyahe pupunta at pauwi galing ng opisina. Isipin niyo nalang ang panahon na binubuno ko kakatunganga sa bus pauwi. Ang daming naaksayang panahon na sana nagsusulat nalang ako sa bahay o kaya kasabay ko sana maghapunan ang lolo at lola ko.

Pangalawa, saksakan ng dami ng tao, isang patunay na over-populated na ang Maynila. Parang sa survival of the fittest ang eksena sa MRT sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Discovery Channel ba. Kung weak ka, iluluwa ka ng kumpol ng tao na nakikipag-unahan sa pagpasok sa tren. Mayroon nga ako nakasabay dati, mukhang baguhan lang sa mundo ng MRT. Pagdating ng tren, isinuka siya ng mga taong atat sa pagpasok sa tren. Kawawa siya, bagong salang kasi. Isa pa, hangga’t sa maaari, dapat nagsusuot ng construction boots. ‘Yung may bakal para proteksyon sa mga daliri sa paa. Dahil ‘yung paa ko kulang nalang maging palitaw dahil sa dami ng nakakaapak sa akin. Sa mga hindi na-gets kaya palitaw kasi FLAT. Susme, kailangan pa explain. Kung hindi mo alam ang palitaw, i-google mo. Para may maging educational rin naman itong sinusulat ko kahit paano.

Sa kabila ng hirap sa biyahe may mga maganda rin naman ito na nadudulot sa aking personal well-being. Personal well-being, OA ‘no? Pero serioso yan, mamatay man ang ipis na gumagapang sa kwarto ko ngayon.

Kaysa inisin ko ang aking sarili sa matagal kong biyahe o kaya sa mga bus driver na sakay ng sakay ng pasahero sa mala-sardinas na bus, tinutuon ko nalang ang aking atensyon sa pag-muni-muni at pagbabaliktanaw. Diba, sayang ang oras kung tatanga lang ako kaya mas mainam na libangin ko ang aking sarili.

Marami akong nadidiskubre sa pagmumuni-muni ko. Parang trivia ba. Alam niyo bang maganda ang takipsilim sa EDSA? Mula TriNoma hanggang Monumento. Kung nakita niyo na iyon mapapawi nito ang pagod mo. Ganito, isipin mo na pinaghalong kahel, aqua at lila ang langit. Samahan mo pa ng mga ulap na nagsisilakihan at nasisikatan ng araw. Tapos lahat ng linya (e.g. ang daan, mga kable ng kuryente, yung MRT) patungo sa isang direction. Kung ikaw ay nagpo-photography maiintindihan mo ang sinasabi ko. Kung pagsasama-samahin mo ang lahat ng mga detalye na sinabi ko maiisip mo na sa kabila ng gulo sa siudad mayroon pa palang maganda na masisilayan. Beautiful chaos. Biruin mo sa katahimikan ko sa akin biyahe napapa-“Wow” ako at wala ako pakialam kung ma-weird-ohan ng katabi ko. Ganoon siya kaganda.

Mahilig rin ako mag-obserba sa tuwing bumibiyahe ako. Likas na katangian ko na marahil iyon dahil lahat naman, bumibiyahe man ako o hindi, ay pinapansin ko. Heto ang isa sa mga obserbasyon ko. Para maging-interactive ang sinusulat ko, kailangan ko kayo mag-imagine. Diba, multi-purpose ang article! Game.

Isipin niyo nalang na lahat ng tao na makakasabay niyo sa bus o kaya jeep ay may patutunguhan at may kanya-kanyang storya, iniisip, saloobin, o struggle sa buhay. Imagine mo nalang lahat ng isip na lumilipad at nagmumuni-muni tulad ko.

Ang seating capacity ng bus ay 60 hindi pa (siguro) kasama ang mga nakatayo at drayber. Sisenta mahigit na mga storya, sisenta mahigit na destinasyon, sisenta mahigit na buhay tangan ng isang sasakyan.

Astig diba? Pwedeng pang-indie film.

Panahon rin ang biyahe para makipag-usap ako sa Panginoon. Hindi naman ung tipong sisigaw ako ng matinding “AMEN!” o kaya, “Magsilayas kayo na masasamang elemento!” Baka pagtulungan ako ng mga pasahero na iluwa ako sa kalagitnaan ng EDSA.

Simpleng usapan lang. Parang kwentuhan kasama tatay ko. Ganoon ang setting. Minsan magtatanong ako, “Lord, ano will Mo para akin?”, “Lord, pag itutuloy ko ba yung plano kong business lalago ba?”, o kaya, “Lord, bakit po nangyari ito sa akin ngayon?” (patungkol sa kamalasan ng araw halimbawa ang pagkaflush ng MRT card ko sa inidoro). Minsan naman nagkukwento lang ako tungkol sa mga nangyari sa akin, o kaya kahit anong gusto ko i-share. Minsan nagbabaliktanaw ako sa mga panahon na binibiyayaan Niya ako. At minsan, pag wala ako masabi, pipikit lang ako at raramdan ko lang ang prisensya Niya.

Isa yan sa mga panahon na sobrang kontento at may peace ako sa buhay ko. Pakiramdam ko kasi sa kabila ng nakakainis na araw, o ng pagod, nariyan lang Siya na pwede ko makausap kahit kalian at kahit saan. Sa mga ganoong panahon ko kinokonekta ang mga nangyari sa akin sa isang buong araw at sa nais Niya ipaalam sa akin. Connect the dots ba. Sabihin niyo mang OA ang gawi kong iyon bahala kayo. Pero para sa akin sacred ‘yun. Pakiramdam ko mas nakakapag-bonding ako sa Kanya sa mga ganoong panahon.

Tatlong sakay ako pauwi. Ang pinakaaabangan ko ay yung pang-huling sakay kasi ibig sabihin non kaunti nalang at nasa bahay na ako. Iniisip ko kung ano ulam. Iniisip ko rin ang mahal kong kama. Ngunit, ang pinakamasayang parte ng aking biyahe ay ang pag-baba ko ng jeep at ang paglakad ko patungo sa bahay. Sa mga huling yapak ko, pagdating ko sa aming gate doon ako ay hihinga ako ng malalim, ngingiti ng bahagya, at sasabihin ko ng tahimik, “Salamat, Lord.”

 

Isinulat ko ang essay na ito noong Disyembre 11, 2010. Ayon ang araw na nalaglag ang MRT Store Value Card ko sa inidoro ng opisinang pinapasukan ko noon.